Abala Ngunit Kulang
0Sa Talinhaga ng Alibughang Anak, may mahalaga rin tayong leksyon na mapupulot sa panganay na anak. Siya ay masipag, disiplinado, hindi nagrereklamo at matalinong namamahala ng ari-arian ng ama. Maaaring ito ang kanyang ulat: “Tingnan mo Ama, nadoble ang bilang ng ating mga hayop at punong-puno ang imbakan ng butil. Ibinigay ko ang lahat upang paglingkuran ka sa ating bukid.” Ngunit mukhang mas natuwa ang ama sa pagbabalik ng alibughang anak at hindi ito maunawaan ng anak na panganay.
Ang dahilan ay hindi magkatugma ang nais ng ama at ang nais ng panganay na anak. Ang motibasyon ng panganay na anak ay ang pagtatrabaho sa bukid dahil ito ay tungkulin at hindi dikta ng pagsunod at pagmamahal sa ama. Ngunit ang nais ng ama ay hindi ang masaganang bukid at maraming hayop, kundi ang pagmamahal ng panganay na anak. Nang bumalik sa kanyang piling ang alibughang anak, naramdaman niya ang lubos na pagsisisi ng bunsong anak. Nakita niya ang lubos na pagpapakababa at pagtitiwala ng anak na maaahon lamang siya sa kahirapan sa paglapit sa ama. Dito naramdaman ng ama ang tunay na pagmamahal.
Maaaring ganito tayo. Maaaring sobra tayong abala sa ating trabaho subalit hindi natin lubos na napag-iisipan kung ito nga ba ay nakalulugod sa Dios. Nais ng Dios na ang pinag-uubusan natin ng oras at buhay ay yaong nakalapat sa Kanyang kagustuhan. Dapat na dito natin iaayon ang ating gawain at mga mithiin sa buhay.
Kaya nga dapat nating paglingkuran ang ating Ama sa langit sa tamang ispiritu hindi dahil katungkulan, kundi dahil sa mahal natin Siya. Ang ating mga desisyon sa buhay ay ibinabase natin hindi ayon sa tingin natin, kundi sinasang-ayunan ng katotohahan at katuruan ng Biblia.
Huwag sana tayong matulad sa panganay na anak, na bagamat lubhang abala sa kanyang gawain, ay hindi naman nabigyan ng pansin ang mas mahalaga… ito ay ang alamin ang kagustuhan ng Ama.
Mula sa No Rival Love ni Dwight Harvey Small