Akyatin Natin ang Matayog na Bundok ng Ispiritwal na Pag-unlad
0May mga tao, kapag nakaranas na ng maayos na buhay ay hindi na nagsisikap na umangat pa ang kalagayan. Ang mga taong nasa kapatagan na nakasumpong ng hamog at bunga ng lupa, ay hindi na naghahangad pa na umahon sa burol at kabundukan. Masasabi nating ito ay mas totoo sa buhay na ispiritwal.
Hindi lahat ng Kristiano ay ibinubuhos ang lahat ng makakaya sa kanyang ispiritwal na buhay. Marami ang nagiging kontento na sa kanyang ispiritwal na kalagayan. Maaring regular ang kanyang pagdalo sa mga panambahan at gawaing ispiritwal. Subalit may paglago pang maaaring asahan. Ang tuktok ng bundok ng Mt. Tabor ay naghihintay na akyatin, subalit tila marami ang kontento nang manatili sa kapatagan at lubhang nagagalak sa hamog ng lupa. Dahil dito, hindi nila masumpungan ang misteryo at kagandahan ng mga burol at bundok.
Hindi natin malalaman ang nawawala sa atin kung kontento na tayo sa ating ispiritwal na kundisyon. Hindi natin mararanasan ang kalualhatiang naghihintay kung wala tayong tapang at sigasig na akyatin ang matayog na bundok ng paglago sa pananampalataya.
Hindi nito itinuturo na tayo ay huwag makontento sa kalagayan sa buhay. Binibigyan lamang tayo ng hamon na patuloy na sikapin ang pag-unlad lalo pa sa ispiritwal na kalagayan. Hindi tayo dapat makontento sa ispiritwal nating kondisyon. Ang relasyon natin sa Dios ay dapat na nagpapatuloy at lumalalim sa paglipas ng panahon.
Magbangon ka Kristiano sa iyong panghihina. Iwaksi ang katamaran, panlalamig o anumang bagay na humadlang sa iyong magandang relasyon kay Kristo. Itaas mo si Kristo bilang sentro at pangunahin sa iyong buhay. Tanggihan mo ang sanlibutan at maghangad ka ng mas mataas, mas makabuluhan at mas malalim na buhay kay Kristo. Magpatuloy sa paglalakbay papuntang kalangitan, palapit sa Dios.
Mula sa Streams in the Dessert ni L. B. Cowman