Ang Kabutihan ng Dios
0Ang kabutihan ng Dios ay ang perpekto Niyang kalikasan. Siya ang bukal ng lahat ng kabutihan. Ang kabutihan ng tao ay nagmula sa Dios. Ang Kanyang kalooban, nilikha, kautusan at probidensya ay pawang mabuti.
Sa paglikha ng tao, malinaw ang kabutihan ng Dios. Tingnan na lamang ang nagagawa ng kamay sa ating buhay. Pinapatulog Niya ang tao sa gabi upang magkaroon ng panibagong lakas. Tayo ay binigyan ng pilik-mata upang maging proteksyon ng ating mga mata, at marami pang ibang halimbawa ang ating maiisip.
Ang kabutihan ng Dios ay nakikita rin sa iba’t-ibang kasiyahan ng tao, sa iba’t-ibang lasa ng pagkain, karne, gulay at prutas. Binigyan din tayo ng pangdamdam (senses) upang magalak tayo sa maraming bagay. Pinapaganda ng Dios ang lupa sa iba’t-ibang bulaklak at halaman, at mga hayop na nagpapasaya sa tao. Maging sa lahat ng hayop ang Dios ay mabuti.
Nilason man ng kasalanan ang lupa, mas marami pa ring kabutihan tayong nakikita. Mas maraming araw na tayo ay malusog at walang sakit. Mas maraming panahon na tayo ay masaya kaysa malungkot. At kung may kabigatan man, may biyaya pa rin upang matanggap ang ganitong kalagayan.
Ang pagdurusa ng hindi mananampalataya ay paalala ng mas matinding pagdurusa na daranasin ng tao sa darating na paghuhukom. Ito ay paghimok upang sila ay magsisi. Sa mga Kristiano, ito ay paghubog ng ating katauhan upang maging kawangis ni Kristo.
Ngunit lubos na nagliwanag ang kabutihan ng Dios sa Ebanghelyo. Ang makasalanang bayan ay pinatawad at inaaring-ganap ng Ama, kapalit ng pagpaparusa ng Kanyang bugtong na anak na si Hesus. Ang dapat nating tugon ay papuri at pasasalamat. Ngunit malimit ay nakakalimutan nating gawin dahil sumasagana at palaging sumasa-atin. Tandaan na ating minamaliit ang kabutihan ng Dios kung hindi natin ito pagyayamanin at kung hindi ito maglalapit sa atin sa Kanya.
Ang kabutihan ng Dios ay walang-hanggan. Magtiwala tayo sa Kanya. Ito ang kalakasan ng ating kaluluwa. Hindi natin dapat pagdudahan kahit sa isang sandali.
Mula sa aklat ni A.W. Pink. The Attributes of God.