Ang Kalikasan ng Kabanalan (2)
0
Ang dahilan ng “pagpapabanal” o sanctification ay upang maging kawangis tayo ng Dios na Lumikha. Nangyayari ito kung lumalago tayo sa kaalaman kung sino ang Dios at ang Kanyang mga dakilang gawa. Ang pagkilalang ito ay natural na nagdadala ng paglago sa katuwiran at pagmamahal sa Dios. Ito ay hindi biglaang nangyayari kundi nagpapatuloy, at sa paglipas ng panahon ay nag-tataas ng antas ng ispiritualidad ng isang Kristiano. Ngunit ang maging kawangis ng Dios ay isang napakabigat na panawagan, ngunit maaring mangyari sa biyaya ng Dios at kung may pagnanais at pagsisikap na gampanan ang mga gawain ng pagpapabanal.
Ang pagpapakabanal ay mas nagiging malinaw kung ikumpara ito sa kasalungat na ugali na nabanggit ng paulit-ulit sa Biblia. Narito ang masasamang pagiisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, kasakiman, pandaraya, imoralidad, kapalaluan, at kamangmangan (Marcos 7:21-22). “ kahalayan; pagiging mainggitin, mapanirang puri, napopoot sa Dios, manglalait, mapagmapuri, masuwayin sa mga magulang, hindi tapat sa tipanan, mga walang habag (Roma 1:25-31); mga duwag, hindi mananam-palataya, mga kasuklam-suklam, mamamatay-tao. Sa mga sumasamba sa diosdiosan at mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagat-dagatang nagniningas na apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan. (Apoc 21:8)
Ang kabanalan ay ang pagsisikap na gawin ang mga sumusunod na katangiang : Umiibig ng tunay, galit sa masama at ginagawa ang mabuti, binibigyang papuri ang iba at hindi ang sarili, hindi tamad, kundi nagsisikap, maningas sa espiritu at mapaglingkod sa Dios. Nagagalak sa pag-asa, nagtitiis sa kapighatian, matiyaga sa panalangin, dumadamay sa mga nangangailangan (Rom 12:9-21); Ipinamumuhay ang bunga ng Espiritu katulad ng pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil. (Galacia 5:22-23)
Ang kasipagan sa paglilingkod ay bunga ng kabanalan. At ang pagganap ng mga disiplina ay nagpapalago dito. Subalit hindi dito nakasentro ang kabanalan. Sa Biblia, ang batayan ng pagiging makadios ay nasasalamin sa pag-uugali ng isang Kristiano.
Sa kabuoan, ang kabanalan ay ang nagpapatuloy na pagpatay sa ating lumang pagkatao at ang pagsisikap na bigyang sigla sa ating bagong pag-katao.
Isinalin sa Filipino, mula sa aklat ni Kevin DeYoung. 2012. The Hole in Our Holiness. Crossway.Illinois.