Ang Krus ni Kristo
0Ang Krus ni Kristo
Isang lingo sa bawat taon, ang kalipunan ng mga Filipino ay nakatuon sa pag-alala sa Dios. Dito ipinagdiriwang ang pagkamatay at pagkabuhay na magmuli ni Kristo. Tinatawag itong Semana Santa o Holy Week. Ang Krus ni Kristo ay sentro sa okasyong ito.
Ang pagiging relihiyoso ng mga Filipino ay naipapamalas sa ganitong panahong. May mga nagsasadula ng gawang pagliligtas ni Kristo mula sa paglilitis hanggang sa Kanyang pagkabuhay na magmuli. Marami din ang nagpapabasa ng Pasyon. Ang Pasyon ay aklat na inilalahad ang pagkamatay at pagkabuhay ni Kristo sa malikhaing pagtutugma ng mga salita at binabasa ng pa-awit. Isa itong matanda nang tradisyon ng mga Filipino. At mayroon ding mga prusisyon at pag-aayuno, katulad ng hindi pagkain ng karne tuwing araw ng Biernes. May mga matatapang na kaluluwang ginagawa mismo ang pagpapapako sa Krus. Ito ay naging tourist attraction na rin, lalong lalo na sa Pampanga. Nailathala sa dyaryo na mga dalawampu ang magpapapako sa Krus ngayong Semana Santa.
Ang Krus ni Kristo ay mahalaga. Ang ating pagtingin dito ang maghahatid sa atin sa impiyerno o sa kalangitan kapag tayo ay namatay. Wala nang hihigit pa na kapakinabangan sa kaluluwa liban na sa maunawaan kung ano ang Krus ni Kristo sa ating buhay. Ang Biblia ay may sagot dito.
Doon sa Krus ang kasalanan ng tao ay biniyaran na ni Kristo. Ang matinding pagdurusa ni Kristo sa kalbaryo at pagkamatay Niya sa Krus ang naging kabayaran ng ating kasalalan. Malinaw sa Biblia na sinuman ang manampalataya kay Kristo dahil sa Kanyang ginawa ay maliligtas. Hindi na kailangan ng tao na gumawa ng kung anu-anong paraan upang siya ay maging katanggap-tanggap sa Dios. Ang tanging kailangan ay manampalataya kay Kristo dahil sa ginawa Niya sa Krus at pagsisihan ang kanyang kasalanan. Kung taos-puso ang pagsampalataya at pagsisisi, ang Banal na Ispiritu ay kikilos at babaguhin ang kanyang puso upang mamuhi sa kasalanan at mahalin ang Dios. Ang natural na bunga ng pananampalataya ay ang masidhing pagnanasa na maglingkod sa Dios at sa kapwa bilang pasasalamat sa ginawang pagliligtas. Ang gawang mabuti ay resulta ng kaligtasan subalit hindi makapagdadagdag kailanman sa kaligtasan. Tinapos na ni Kristo ang pagbabayad ng ating kasalanan.
“Sa biyaya kayo ay nangaligtas, at ito ay hindi sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Dios, upang ang sinuman ay huwag magmalaki” (Eph 2:8-9)
Maaring salungat ito sa kaalaman ng marami hinggil sa kaligtasan. Subalit ang katuruang ito ay malinaw sa Biblia. Iminumungkahi na ang bawat isa ay magsiliksik at mag-aral ng Biblia. Hingin natin ang patnubay ng Banal na Ispiritu at tayo mismo ang tumuklas ng mga katuruan na magbibigay ng panibagong pagtingin sa ating kaugnayan sa Dios at kahulugan ng ating buhay.
Ang Semana Santa ay araw ng pagsisiyasat. Ang buhay sa lupa ay pangsamantala ang kabilang-buhay ay walang katapusan. Dapat na pag-ukulan natin ng pansin ang buhay na walang katapusan at hindi dapat maging palaisipan kung ano ang mangyayari sa atin kapag tayo ay mamatay. Nasa Biblia ang kasagutan kaibigan.
Kaibigan, hindi mo kailangang magpapako sa Krus upang magkaroon ng pabor sa Dios. Biniyaran na ni Kristo ang kasalanan at kung sino man ang manampalataya sa Kanyang kumpletong pagliligtas, sila ang may kaligtasan… sila ang may langit na naghihintay sa kabilang buhay.