Ang Problema sa Linggo ng Palaspas
0
Taon-taong tradisyon ang Linggo ng Palaspas. Ito ay pag-alala sa ginawa noon nang si Hesus ay pumasok sa bayan ng Jerusalem, sakay ng isang hamak na asyo. Ayon sa salaysay sa Biblia, ang mga tao ay tuwang-tuwa at inilalatag ang kanilang mga balabal sa daraanan ni Hesus, habang iwinawagayway ang mga palaspas ng palma at sumisigaw: “Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon…” (Lukas 19:38). Ang sigaw na ito ay pagkilala na si Hesus ang matagal na nilang hinihintay na Messias na magpapalaya sa kanila.
Ngunit problema ito para sa mga Fareseo. Hindi nila maatim na marinig na si Hesus ang Messias. Kaya’t kanilang sinabi “Guro, sawayin Mo ang Iyong mga alagad.” (Lukas 19:39) Ngunit sa halip ay sinabi ni Hesus, “ Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga tao, ang bato’y sisigaw.” (v.40). Sapagkat tunay na si Hesus ang Tagapagligtas.
May problema rin ang mga tao. Iniisip nila na lalabanan ni Hesus ang mapang-aping Romano at sila ay palalayain. Subalit ng Biernes ng umaga, ang kanilang iniisip na Tagapagligtas ay nasa kamay ng mga Romano, duguan, walang lakas na lumaban, at ngayon ay katabi ng mamamatay tao na si Barabbas. Ang kanilang iniisip na Hari ay inuusig dahil “nilapastangan” Niya ang Dios. Hindi nagtagal, ang sigawang “ Mapalad Siya!” ay napalitan ng “Ipako Siya sa Krus.”
Maaring magalit tayo sa mga tao. Panandaliang pinuri nila si Hesus dahil mayroon silang pansariling hangarin. Nang hindi ito maganap, matindi ang kanilang paglibak at paghahangad na ipako si Hesus sa Krus. Naiinis tayo sa kanila. Ngunit tingnan natin ang ating mga sarili. Tayo rin naman ay naging Kanyang manlilibak. Kasama rin tayo sa mga kalipunan ng taong sumisigaw “Ipako Siya sa Krus!”
Ngunit dumating si Hesus upang iligtas ang mga taong makasalanan. Tayo na dating manlilibak at nakikipag-galit sa Dios, ngayon ay nagkaroon ng kaligtasan. Purihin ang dumating na Tagapagligtas, ang ating Panginoong Hesus!
Mula kay Jonathan Parnell sa aklat na, Your Sorrow will Turn to Joy: Morning and Evening Meditations for Holy Week. 2016 Desiring God. Website: desiringGod.org