Ang Sekreto ng Kontentong Puso
0
Kapag dumating ang tukso at pagsubok, may dalawang reaksyon ang tao. Ang taong nasa laman ay lubhang nababalisa, natatakot o nagrereklamo dahil nawala siya sa komportableng kalagayan. Ngunit ganito ang nasa isip ng taong puspos ng biyaya: “Ano ang pakay ng Dios sa mahirap na kalagayang ito? Nabago ang aking sitwasyon, ngunit gagawin ko ng buong husay ang responsibilidad na kaakibat ng sitwasyong ito sa buhay ko ngayon.”
Maraming tao ang hindi makontento kapag naghihirap sila sa kasalukuyan kundi laging tumitingin sa kahapon, (Mas mabuti pa ang buhay namin noon.), sa hinaharap (Sana matapos na sa pag-aaral ang mga anak ko.) o sa paligid (Mabuti pa si kapatid, wala nang pinapaaral.).
Dapat tayong mag-pailalalim sa kalooban ng Dios at iwaksi sa isip ang anumang masamang kaisipan na kontra dito. Ganito ang dapat nating isipin: “Maaring ako ay nasa hamak na kalagayan, subalit ang mabuting pasya ng Dios ang nagbigay nito, at sa Kanyang biyaya, paglilingkuran ko siya ng may nagpapasakop na puso sa kalagayan kong ito.”
Ito ang naging buod ng buhay ni David ayon kay Pablo: “Nang maisakatuparan ni David ang kalooban ng Dios, siya’y namatay at nalibing…” Mga Gawa 13:36. Ang mabuting pakay ng ating buhay, katulad ni David ay ang maisakatuparan ang kalooban ng Dios. At ano ba ng kalooban ng Dios? Ito ay ang sitwasyon na kinalalagyan natin sa ngayon. Inilagay tayo ng Dios ayon sa Kanyang mabuting kalooban sa sa iba’t-ibang sitwasyon sa buhay. Ito ang dapat nating tugon: “Kaya’t paglilingkuran ko ang kapasyahan ng Dios sa akin sa aking henerasyon, anuman ito. Maingat ko Siyang paglilingkuran. Kaya’t sisikapin kong payapain ang aking puso sa kasalukuyan upang ako ay mabuhay at mamatay ng kontento at tiwasay.”
Ang pagkakaroon ng kontentong puso ay hindi ang matupad ang ating pansariling nais, kundi ang pagtatahi ng ating mithiin sa kalooban ng Dios. Maaring hindi matupad ang ating inaasam sa buhay, subalit magkakaroon pa rin tayo ng kontentong puso dahil alam natin na naganap ang kalooban ng Dios. Ating tandaan: Ang sekreto ng pagiging kontento ay ang pagtitiwala sa mabuting kalooban ng Dios at matahimik na pagpapasakop dito.