Bawat Kristiano ay Dapat Maglingkod (ikalawang bahagi)
0
Tinawag ng Dios ang bawat Kristiano sa paglilingkod. May anim na motibasyon sa paglilingkod: Una, naglilingkod dahil ito ay pagsunod sa Dios. Ikalawa. Naglilingkod dahil nagpapasalamat. Narito ang ikatlo at ika-apat na dahilan ng paglilingkod
( 3.) Naglilingkod ng may kagalakan. Sinasabi sa Awit 100:2 “Maglingkod ng may kagalakan”. Sa bulwagan ng hari noong una, ang mga alipin na malungkot ang mukha ay ipinapapatay. Kaya nga’t si Nehemiah ay labis na natakot nang mapuna ni Haring Artaxerxes na siya ay malungkot. (Neh. 2:2)
May malaking problema kung hindi tayo makapag-lingkod sa Dios ng may kagalakan. Ang taong naglilingkod para lamang makarating sa langit ay maaaring mabagot sa kanyang ginagawa, subalit hindi ang isang Kristiano na kumikilala sa dakilang ginawa ng Dios. Para sa kanya, isang malaking pribelehiyo ang makapaglingkod, kaya hinahanap niya ang pagkakataon na magamit sa ministeryo ng Dios.
Kung mabigyan man tayo ng mataas na posisyon upang magsilbi sa bayan o sa isang kilalang tao, subalit hindi sa dakilang Dios, ito ay miserableng kalagayan, kumpara sa katuwaan ng paglilingkod sa Dios. Ang sabi sa Awit 4:10 “ Sapagka’t isang araw sa iyong bulwagan ay mabuti kay sa isang libo saanman. Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan ng bahay ng aking Dios kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.”
(4). Naglilingkod dahil pinatawad ng Dios. Nang makatanggap si Isaias ng
kapatawaran ang kanyang tugon sa tawag ng Panginoon ay paglilingkod .
“…Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin? Nang
magkagayo’y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako” (Isaias 6:6-8).
Ang sabi ni Spurgeon, ang biniyayaan ng langit ay naglilingkod dahil
nagpapasalamat sa kaligtasang nakamit kay Kristo, hindi upang maligtas sa parusa ng Dios o makarating sa langit. Ang mga Kristiano ay naglilingkod,
hindi upang patawarin, kundi dahil nakatanggap na sila ng kapatawaran. Inalis
na ni Kristo ang sumpa ng kasalanan kaya’t maari na tayong
maglingkod ng kusang loob at may kagalakan.
Whitney, Donald S. 1991. Spiritual Disciplines for the Christian Life.Navpress. Colorado. Pp 114-115