Hindi Ko Kailangang Maunawaan ang Lahat ng Bagay

0

“Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘Hindi ba sinabi Ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos.”Juan 11:40

     Hindi maunawaan ni Maria at Marta kung bakit naantala ang pagdating ng Panginoong Hesus. Kaya’t kanilang nasabi, “Panginoon, kung narito Ka sana, hindi sana namatay ang kapatid ko” (Juan 11:21, 32). Maaaring ganito ang kanilang iniisip, “Panginoon, hindi namin maunawaan kung bakit hindi ka agad dumating at hinayaan Mong mamatay ang taong Iyong minamahal. Ngayon huli na ang lahat dahil patay na si Lazaro!”

     Subalit simple lamang ang sagot ni Hesus, Hindi ba sinabi Ko sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”

     Hindi rin maunawaan ni Abraham kung bakit kailangan niyang isakripisyo ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac, ngunit nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos ng malaman niya na ito ay pagsubok sa kanyang pananampalataya. Hindi maintindihan ni Moses kung bakit kailangang manatili ang bayan ng Diyos ng 40 taon sa ilang. Ngunit nagtiwala siya sa Diyos at siya ay ginamit upang lumaya ang mga Israelita mula sa pagka-alipin sa Ehipto. 

     Bakit pinahintulutan ng Diyos na pagmalupitan si Joseph ng kanyang mga kapatid, makulong ng maraming taon, at malayo sa amang si Jacob? Nang magkita sila ni Jacob, si Joseph ay isa nang gobernador ng Ehipto at kinasangkapan ng Panginoon upang huwag mamatay sa gutom ang mga Israelita. 

     May mga pangyayari sa ating buhay – katulad ng ating dinadanas nating pandemic dala ng Covid-19 na umagaw na ng maraming buhay – ang hindi natin maunawaan. Marami na ngayon ang nakaratay. Higit na mas marami ang nahihirapan sa mahigit na dalawang lingo nang quarantine. Ang iba ay nababagot na, habang ang iba naman ay nag-iisip kung saan kukuha ng pagkain sa mahaba-haba pa sigurong quarantine period. Minsan tayo ay natutuksong magtanong sapagkat hindi natin maunawaan ang pagkilos ng Dios sa ating buhay. 

     Ngunit kaibigan, hindi natin kailangang maunawaan ang Diyos sa Kanyang pakikitungo sa atin. Hindi inaasahan ng Diyos na mauunawaan natin ang lahat ng bagay. Gaya rin naman na hindi natin inaasahan na mauunawaan ng ating anak ang lahat ng ating ginagawa at desisyon. Ang kailangan natin ay lubos na pagtitiwala na mabuti ang layon ng Diyos. Darating ang araw, makikita natin ang kalualhatian ng Diyos sa mga bagay na hindi natin maunawaan. 

Hango sa Streams in the Desert ni L.B. Cowman.  

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top