Huwag Malinlang ng Huwad na Pag-asa

0
          Ang pag-asa sa puso ng tao ay hindi nauubos ayon kay John Milton.  Mahalaga ang pag-asa. Kung wala ito, magiging napakasaklap ng buhay ng tao. Ngunit ang pag-asa na hindi nakasalig kay Kristo ay magbubulid sa  kapahamakan. Maraming tao ang umaasa  ng mahabang buhay  at magandang bukas –  pag-asang mabuti lamang hanggang sa huling araw ng buhay, dahil ang hahantungan nito ay walang hanggang pagdurusa sa kabilang buhay.
          Ito ang babala si Santiago “ …ni hindi ninyo alam ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas!” (Santiago 4:13-16).  Hindi ba mas mabuti na iwaksi ang  pangarap na mahaba pa ang buhay at isiping maaring maikli lamang ito?  
          Para sa mga Kristiano, alam natin na si Kristo ay muling babalik. At sa Kanyang pagbalik, wala itong babala. Walang isang araw o oras upang makapaghanda. Kaya’t ang sabi ni Lukas: “ Mag-ingat kayo na hindi magumon sa katakawan at paglalasing…baka abutan kayo ng araw na iyon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang hindi inaasahan. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras.” (Lukas 21:34-36)
          Ang kamatayan ay tiyak na darating ngunit walang kasiguruhan kung kailan. At dahil walang nakakaalam, hindi ba isang karunungan na ipamuhay ang bawat araw na parang ito na ang katapusan? Kaya’t anumang paghahanda ang ating iniisip gawin ay ihanda na ngayon. Anumang nais na gawain ay gawin na habang ang oras ay nasa atin pang kamay.
          Sa pagbalik na Kristo, malalantad ang mapapait na emosyon ng tao.  Naroon ang pagtangis, ang labis na panghihinayang sa  pinalampas na pagkakataon, pagkagulat at  pagkagalit sa sarili. Subalit hindi kailangang sapitin natin ito  kung sasamantalahin lamang ang mga pagkakataon na parang diamante sa putikan na naghihintay na linangin. Maaring ang kahapon ay puspos ng kahinaan, panlalamig at pagkahulog sa kasalanan. Ngunit  sa pagbabago  ngayon, ang bukas ay maging kapakinabangan  para sa atin. Ang paalala ni Lukas ay ito: “Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo na lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.” (Lukas 21:34-36)
          Mahalaga na huwag tayong malinlang ng huwad na pag-asa, na mahaba pa ang buhay at ang bukas ay masaya.  Pagbutihin ang ngayon, (lumapit kay Kristo at manampalataya) upang makinabang sa darating na bukas.  Kung mabuhay man tayo ng mahaba, o kunin na ng Panginoon, ang ating kaluluwa ay nasa mabuting kalagayan.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top