Ibigay sa Dios ang Kaluwalhatian
0Isang oras na lamang at mararating na ni Becki ang tuktok ng Mt. Fuji. Subalit dahil sa matinding sakit ng ulo, kailangan niyang bumaba ng bundok. Sa isang iglap ay naglaho ang kanyang pinakamimithi. Ganito sa mundo. Hindi sigurado ang buhay, maraming balakid sa ating mga plano. Paano pa kaya sa buhay-kristiano? Marating kaya natin ang langit?
Maganda ang pambungad na bati ni Judas sa mga Kristiano: “Sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo, ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo” (Judas 1-2). Pinatotohanan ni Judas na tayo, bilang Kristiano, ay iingatan ni Kristo na matisod o mahulog sa kasalanan. Maraming mga maling turo sa lipunan at walang tigil sa pagtukso ang mga kaaway. Ngunit makapangyarihan ang Dios na may hawak sa atin at iingatan tayo hanggang marating natin ang kalangitan (Judas 24-25).
Iingatan ni Kristo ang mga Kristiano upang maiharap tayong walang-bahid sa Dios Ama sa langit. Dahil sa Kanyang pagtubos sa atin sa krus at patuloy na pag-iingat, haharap tayo sa Dios na walang dungis at puspos ng kagalakan.
Dahil sa pag-iingat ni Kristo, alam nating magtatagumpay tayo sa anumang pagsubok. Ito ay nagbibigay sa atin ng tibay ng loob sa oras ng panghihina. At dahil sigurado ang tagumpay, tayo rin ay hinihimok na magpatuloy at maging mapagtiis anuman ang kabigatang kinakaharap.
Sa dakilang biyayang ito ang dapat nating tugon ay walang patid na pagpupuri sa Dios! Malakas at masigasig nating itanghal ang kaluwalhatian ng Dios. Ngunit ano ba ang kaluwalhatian ng Dios? Ayon kay Mark Ballenger, kung naipapakita natin sa salita at kilos ang hindi nakikitang kagandahan ng katangian ng Dios, nagbibigay tayo ng kalualhatian sa Dios.
“Sa iisang Diyos na Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, suma-Kanya nawa ang kalualhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen” (Judas 25).
Buod ng mensahe ni Pastor Rodel Lasco sa Trinity Bible Church noong Nobyembre 13, 2016