O! Kay Ganda ng Umaga

0

Sa Lumang Tipan, ang mga pari ay nag-aalay ng handog at nagsusunog ng insenso tuwing umaga sa templo ng Panginoon. Ang mga mang-aawit naman ay nagpapa-salamat din sa Dios tuwing umaga. Malimit ding mabanggit sa Mga Awit ang pag-aalay ng papuri sa Dios sa umaga. Bilang bayan ng Dios, marapat lamang na simulan natin ang ating araw sa paglapit sa ating butihing Dios ng may pagpupuri at pagpapasalamat.

Sapagkat sa bawat pag-gising, panibagong lakas ang bigay ng Dios. Nakatulog tayo ng mahimbing, gayong ang iba ay sa lansangan at maruming sulok nagpalipas ng gabi. Ligtas tayo sa panganib ng digmaan, kalamidad at kahirapan. Binibigyan tayo ng Dios ng sapat para sa ating kailangan. Marami ang may sakit at kapansanan. Sa biyaya ng Dios, tayo ay may lakas na gawin ang ating mga tungkulin. Dapat tayong magpasalamat sa  kabutihan ng Dios sa pag-gising pa lamang sa umaga. Ialay natin ang ating lakas una sa lahat ay sa Kanya.

Kung sa ating pag-gising ay gisingin natin ang nahihimbing pa nating asawa o kaibigan upang kausapin, hindi ba ito ay kawalan ng galang? Hindi kaya siya ay magalit?  Subali’t ang Dios ay naghihintay sa ating tinig sa umaga. Kahit sa kalaliman ng gabi S’ya ay handang makinig sa atin. 

Sa bawa’t araw ay humaharap tayo sa walang kasiguraduhang mundo, kung saan nag-aabang ang iba’t-ibang kaaway. Kailangan ng lakas at biyaya mula sa Dios upang maka-iwas sa tukso at kasalanan; upang maging mabunga ang gawa ng ating mga kamay at magkaroon ng tapang na makapagbahagi ng Ebanghelyo. 

 Marami sa ating mahal sa buhay, kaibigan at kasamahan sa trabaho ang nabibigatan sa iba’t-ibang suliranin. Marami sa kanila ay wala sa Panginoon. Sa ating pagtawag sa Dios sa umaga, sila rin ay maaaring makatanggap ng biyaya at pag-iingat ng Dios. 

Ating mapapatunayan na ang buong araw ay mabuti para sa atin kung sinimulan natin ito sa pakikipag-usap sa Dios. 

 Hango sa How to Begin the Day With God by Matthew Henry

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top