Pagbubulay Para sa Bagong Taon 

0

DSC_0022
Ang tao ay laging tumitingin sa magandang hinaharap. Sino sa atin ang nag-iisip na siya ay mamamatay na bukas?  Sa isip ng tao ay naroon ang hindi mabilang na araw na naghihintay sa kanya. Ngunit ang pag-asang ito ay  mabuti hanggang sa huling araw ng buhay.  Sa oras ng kamatayan ang tao ay masisindak  dahil wala palang pag-asang naghihintay  kundi ang apoy ng  impiyerno. Ang  pagkakaroon ng maling pag-asa ang pumipigil sa maraming tao na huwag hanapin ang Dios.  Kaya’t sila ay sumasandal sa isang maling  siguridad.

Maraming  mga Kristiano ay biktima rin ng maling pag-asa at iniisip na mahaba pa ang mga araw na darating.  Marami ang nagiging kontento at hindi nagsisikap na lumago sa pananampalataya at paglilingkod. Si Santiago ay nagsabi,  “ Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas? Kayo nga’y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho.” (Santiago 4:14)

Ang taong 2016 ay naghihintay sa atin.  Subalit mabuting isipin na maaaring kakaunti na rin lamang ang ating panahon.  Maaring dumating na si Kristo o maari din namang tawagin na tayo ng Panginoon. Kaya mabuti na magamit natin ang “ngayon” para sa siguradong “bukas”.

Sa muling pag-dating ni Kristo, maraming emosyon ang maririnig. Naroon ang pag-tangis, ang pang hihinayang, ang malaking pagkasindak. Subalit wala tayong pangamba kung ating samantalahin ang tawag ng Dios sa pagsisisi at pagtalima sa Ebanghelyo. Napakaraming pangako at oportunidad ang ibinibigay ng Dios  upang maihanda ang  sarili sa Kanyang muling pagdating. Para sa mga Kristiano, maaring  hindi naging mabunga  ang taong 2015. Maaring  tayo ay nanlamig sa pananampalataya, o nanghina sa pananalangin. Ngunit sa pagbabago ng taon, ibinibigay muli ng Dios ang  pagkakataon na maituwid ang mga pagkakamali at palakasin ang ating mga kahinaan.

Huwag padaya sa maling pag-asa. Walang magandang  hinaharap kung walang pagsunod na ginagawa sa kasalukuyan.   Kaya gamitin  ang kasalukuyan  upang mag-handa sa  hinaharap. Mabuhay o mamatay man, ang ating kaluluwa ay nasa magandang kalagayan.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top