Pagganap ng Kalooban ng Diyos
0Ang taong nagmamahal ay may pagnanais na bigyang kagalakan ang taong kanyang minamahal. Handa niyang ibigay ang kanyang sarili upang malugod ang taong pinaglalaanan niya ng kanyang pag-ibig.
Ngunit mas higit ang pagnanais ng isang taong nakasumpong ng kaligtasan, na bigyang lugod ang Diyos na nagligtas sa kanya. Dati ay kasuklam-suklam siya sa Diyos. Ang kanyang kaparusahan ay walang-hanggang paghihirap sa impiyerno. Subalit nakasumpong siya ng biyaya at ngayon may pangakong buhay na walang hanggan. Kaya’t nais niyang bigyang lugod ang Diyos. Nangyayari ito sa pagganap ng Kanyang kalooban.
Sa buhay ng Panginoong Hesu-Kristo, malinaw na ang Kanyang tanging hangarin ay gawin ang kalooban ng Ama. Siya ay Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay at hindi lingid sa Kanya ang hirap at sakit na kanyang daranasin upang tubusin ang mga hinirang ng Diyos. Ngunit ganito ang Kanyang panalangin, “Ama kung ibig mo, ilayo Mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban Ko ang mangyari kundi ang sa Iyo.” (Lucas 22:42)
Narito ang pagpapakita ng sukdulang pagmamahal ni Hesus sa Ama. At ganito rin dapat ang pagmamahal sa Ama ng mga hinirang kay Kristo. Ang gawin ang kalooban ng Diyos ay isang kagalakan para sa isang Kristiano. Ang nagtutulak sa Kanya ay pag-ibig sa Diyos. Ang awit ng kanyang puso ay: “Pagmamahal na dakila ay dapat kong suklian ng aking kaluluwa, ng aking buhay at ng lahat ng aking tinatangkilik.”
Kung ginaganap ng isang Kristiano ang kalooban ng Diyos, ito ay namamalas sa kanyang buhay. Ang ebidensya ng binagong buhay ay ang pagpapakita ng mga bunga ng Ispiritu na inilatag sa Galacia 5:22-23, “Subalit ang bunga ng Ispiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili…” Ito ang kalooban ng Diyos na dapat nating gawin. Ito rin ay sinasabing “pinakamaikling talambuhay ng ating Panginoong Hesus.” Ganito rin dapat ang buhay ng taong nakasumpong ng buhay na walang-hanggan.
Walking with God Day by Day ni Martyn Lloyd-Jones.