Paghimok Upang Gamitin ang Himnario
0Ang Biblia ang aklat na nagbibigay liwanag sa ating kaluluwa. Kung hindi natin ito basahin, mananatiling ligaw ang ating puso at isipan. Ang hymnbook ay isa ring mahalagang aklat. Ito ay koleksyon ng mga papuring awit na katha ng mga dakilang Kristiano noong una. Naglalaman ito ng pinakadalisay na kaisipan tungkol sa Panginoon. Nagpapahayag din ito ng dakilang pananampalataya kahit ng mga Kristiano na matagal nang pumanaw.
Sa ating pagbabasa o pag-awit ng kanilang katha ay sumasabay tayo sa isang taimtim na pagsamba sa dakilang Dios. Ito ay tulad sa pakikinig ng paliwanag kung bakit mahal ng sumulat si Kristo. Ang mga himno ay nagpapahayag ng pag-asa, pagtitiwala, pagmamahal, pasasalamat at pagpupuri sa Dios na Tatlong Persona. Kung minsan, ang ating puso ay nanlalamig at walang init kahit manalangin. Makakatulong ang hymnbook sa ganitong pagkakataon. Ang ating emosyon ay mahirap pukawin. Subalit sa pag-awit, ang ating puso ay aayon sa tamang ispiritwal na disposisyon at maiiwasan ang maling kaisipan.
Ang Biblia ng bawat Kristiano ay dapat laging may katabing hymnbook. Maaring basahin ang isa, at awitin naman ang iba. Ang mga kathang tula para sa Panginoon ay sumasabay sa magandang himig. Pinag-ugnay ni Isaac Watts, Charles Wesley, Fanny Crosby, atbp ang mga dakilang katuruan ng Biblia mula awit ni David hanggang sa sulat ni Pablo at nilapatan ng magandang musika ng iba pang Kristiano. Kung kaya’t ang teolohiya ay nabibigyang kulay ng musika at maaari nating awitin. Minsan, sa likod ng mga nakathang himno ay mapait na karanasan ng may akda, subalit puspos pa rin siya ng pag-asa at pasasalamat.
Iyan ang himnaryo, nagbibigay galak habang ang puso at isipan ay naliliwanagan ng mga bagay na ispiritwal. Gamitin natin ito upang papurihan ang Dios.
Mula sa artikulo na The Second Best Book for a Christian. ni A.W. Tozer.