Pagkakaisa sa Araw ng Pasko
0“ Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo, sapagkat buhat pa nang simula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.” (I Juan 3:8)
Sa pabrika ni Satanas, milyong-milyong kasalanan ang nagagawa kada araw. Ang mga ito ay inilalagay sa malalaking karton at inililipad papuntang langit. Inilalatag ito ni Satanas sa harapan ng Dios, habang nilibabak niya ang dakilang Manlilikha dahil sa kasalanan ng mga taong Kanyang nilikha.
Maraming tao ang masigasig na nagtatrabaho sa “Pabrika ng Kasalanan”. Ang iba ay fulltime, ang iba naman ay part-time. Marami din ang umalis na sa pagtatrabaho subalit bumabalik para rin paminsan-minsan.
Habang nagpapatuloy ang trabaho sa pabrikang ito, nagpapa-tuloy din ang panunuya ni Satanas sa Diyos. Ang pag-gawa ng kasalanan ang tanging negosyo ni Satanas. Namumuhi siya sa liwanag, kagandahan at kalualhatian ng Diyos. Habang ang mga tao patuloy na nagkakasala at gumagawa ng mga karahasan, pang-aabuso at kung anu-ano pang kasamaan, patuloy namang lumalago ang negosyo ni Satanas sa kanyang “Pabrika ng Kasalanan”.
Ngunit salamat dahil may Pasko. Ang Pasko ay magandang balita sa tao. “Si Kristo-Hesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan…” (I Tim 1:15). Ngunit ito rin ay mabuting balita para sa Diyos dahil si Kristo ay namuno sa isang malawakang pag-aalsa sa pabrika ni Satanas. Sinugod ni Kristo ang pagawaan, hinimok ang mga natatakot sa Diyos sa pagkakaisa upang lisanin ang pabrika ni Satanas.
Ang Pasko ay panawagan sa mga tao na mag-alsa at huwag nang magtrabaho pa sa pagawaang ito ni Satanas. Hindi ito gagamit ng dahas, kundi ang pagsalig sa katotohanan ang magsisiwalat ng lahat ng kasamaan sa loob ng pabrikang ito. Ang pagkakaisa ng matatapat ay hindi titigil hanggang hindi ito naipasasara. Kung ang kasalanan ay tuluyan nang mahinto, ang Pangalan ng Diyos ay muling maitataas, at wala nang manlilibak pa sa Kanyang dakilang Pangalan.
Kung nais mong mag-alay ng regalo sa Dios sa araw ng Pasko, ito ang maganda mong handog: umalis ka sa Pabrika ng Kasalanan at huwag ka nang magbalik pa doon kahit kailan. Makisali ka sa mga nagwewelga na nag-tataas ng pagsisisi at pananampalataya kay Kristo. Makiisa ka sa kalipunan ng matatapat na nagtataas sa kadakilaan ng Dios, hanggang ang Kanyang Pangalan ay maging malinis at maitanghal sa kalipunan ng mga matutuwid.
Isinalin sa Filipino mula sa Solid Joys. Today’s Devotional. John Piper.