Pagpipigil sa Sarili, Para sa Kabanalan
0Sunrise over Jerusalem
Noong unang panahon, ang pader ng isang lunsod ang pangunahing depensa laban sa mga kaaway. Kaya nang malaman ni Propeta Nehemias na nasira ang pader ng Jerusalem, siya ay labis na nabagabag at umiyak.
Katulad ng pader, ang pagpipigil sa sarili ang pangunahing depensa sa pita ng laman na sumisira sa ating kaluluwa. Ayon kay Charles Bridges, ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling mabihag ng kaaway. Pumapayag siya sa unang panghihikayat ng tukso. Dahil walang disiplina sa sarili, ang tukso ay nagiging kasalanan at maaring magdala sa mas matinding kasalanan na hindi niya iniisip na mangyayari. Katulad ng galit na maaaring humantong sa pagpatay.
Ang pagpipigil ay ang mahigpit na pamamahala ng sarili laban sa layaw ng ating katawan. Ito ay ang kakayahan na umiwas sa kalabisan at makontento sa kung ano lamang ang nararapat. Marami ang nahuhulog sa bitag ng kawalan ng pagpipigil sa sarili, maging ang mga Kristiano.
Kailangan ding magkaroon ng pagpipigil sa ating isip, salita, pakiramdam, maging sa ating tinitingnan at pinakikinggan. Mayroong pagpipigil na kailangang magsabi ng “oo” o kaya naman ay “hindi”. Kung wala tayong gana na magbasa ng Biblia, manalangin o magbulay-bulay ng Salita ng Dios, ang pagpipigil sa sarili ay ang maupo sa mesa, dala ang Biblia at notebook, at sabihin sa sarili, “Gawin mo ito!”. Ganito dinisiplina ni Apostol Pablo ang kanyang sarili, “Ngunit hinahampas ko ang aking katawan at aking sinusupil…” (I Corinto 9:27).
Tayo ay dapat na makipagdigma ng mainam sa ating mga sariling pita ng laman. Inilarawan ni Santiago na “ang bawat tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat.” (Santiago 1:14), (I Pedro 2:11), at napapadaya ayon naman kay Pablo ( Efeso 4:22). Ang mga tukso sa ating paligid ay hindi sana ganoong mapang-akit (at mapanganib) kung hindi kakampi nito ang atin mismong mga puso. Humingi tayo ng biyaya ng Dios na makapagpigil sa sarili upang walang humadlang sa ating pag-lakad sa daan ng kabanalan.
Mula sa aklat na The Way To Godliness ni Jerry Bridges