Panibagong Pagkakataon sa 2019
0Ang puno ng igos sa Lukas 13 ay hindi nagbubunga sa loob ng tatlong taon. Nais na itong putulin ng may-ari. Subalit hiling ng hardinero na pabayaan muna sa taong ito, hanggang sa kanyang mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba. “At kung ito ay magbunga sa susunod na taon ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.” (Lucas 13:8-9).
Dapat na magtiyaga ang hardinero na bungkalin at lagyan ng pataba ang igos. Kung ito ay magbunga, magkakaroon ng kagalakan ang may-ari at ang hardinero, sapagkat ang kanilang hinahangad ay nangyari na. Ang lupa ay hindi na mabibigatan sa punong walang bunga. Ang taniman ay gaganda, at makakatanggap ng pagpapala mula sa Dios (Hebreo 6:7). Ito ay aalagaan ng Ama at magbubunga pa ng maraming mga bunga (Juan 15:2).
Maaaring ihalintulad dito ang buhay ng mga Kristiano. Kung ang hindi nagbubungang mananampalataya ay magsisi, magiging mabuti ang kanyang kalagayan. Malulugod ang Panginoon, kasama ng mga anghel. Ang nagpapagal na Pastor ay magkakaroon ng ibayong sigla. Ang nagsising Kristiano ay magagalak at may nakalaang korona para sa kanya sa huling araw.
Subalit kung walang bunga ang nagsasabing na kay Kristo, kailangan na magsiyasat siyang mabuti ng sarili kung tunay ang kanyang pananampalataya. May ibinibigay pa na pagkakataon para sa kanya.
Sa pagharap natin sa bagong taon, mabuting magsiyasat tayo ng sarili at maghangad na maitaas natin ang ating relasyon at paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang bayan. May panibagong pag-asa at biyaya sa mga naghahangad na mas maging malapit sa Dios. Samantalahin natin habang may panahon pa.
Mula sa Komentaryo ni Matthew Henry sa Lucas 13:9. E-sword.