Pinakamagandang Regalo

0

Marami ang regalo ng Dios sa tao, subalit ang pinakamaganda Niyang regalo ay nag-iisa lamang. Ang regalong ito ay ang natatangi at pinakamaganda sa lahat na maaaring matanggap ng isang tao. Ito ay ang Kanyang sarili. Sa pagkakilala ng tao sa Dios, siya ay nagkakaroon ng lubos na kaligayahan. “Sapagkat kami ay ginawa Mo para sa Iyo; kung kaya’t ang aming puso ay nababalisa, hanggat hindi nakakasumpong ng kapahingahan sa Iyo.” (St. Augustine).

Nang sinabi ng Panginoon kay Aaron na wala siyang magiging mana sa lahat ng mga Israelita, ipinapaalam lamang ng Dios na ang kanyang magiging kabahagi ay ang pinakamaganda at pinakamarangal na mana, ito ay ang makamtan ang Panginoon.

Kung ating iisipin, sa lahat ng regalo ng Dios, katulad ng pagmamahal, kaawaan, at lahat ng makalangit na biyaya, ang Kanyang sarili ay laging kalakip ng mga ito.

Dalawang taon na nanirahan si Abasalom sa Jerusalem, subalit hindi niya nakita ang mukha ng haring si David, gayong ang hari ay kanyang sariling ama. Gayundin naman, marami sa mga tao ay hindi kinikilala ang tunay na Hari. Si Kristo ay bumaba sa lupa upang iligtas ang makasalanan. Subalit napakababaw ng pagtingin ng mga tao dito. Sa araw ng kapaskuhan, sapat na maaala si Kristo bilang sanggol sa Belen, hindi bilang Hari na dumating sa lupa at muling darating upang husgahan ang sanlibutan. Hindi ba’t ito ay isang malaking trahedya.

Ang makilala si Kristo na ating Tagapagligtas ang siyang mag-uugnay sa tao sa Dios at siya ring magbibigay ng buhay na walang-hanggan. Ang hindi pagkaunawa at pagtanggap sa dakilang regalong ito ang pinakamalaking dagok ni Satanas sa sangkatauhan.

Ang ibalik ang magandang relasyon ng Dios sa tao ang pangunahing gawain ni Hesus. Ang pagpapatuloy ng magandang relasyon sa Dios ay gawain ng Banal na Ispiritu.

Kung may isang panalangin na dapat tayong ipanalangin ito ay ang makamtan ang pinakadakilang regalo. “Ang iyong Sarili ay ibigay Mo sa akin, at wala na akong kakailanganin pa”.

Buhat sa We travel and Appointed Way ni A.W. Tozer.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top