Pusong Bakal
0Ang Dios ay mabisang kumikilos sa karakter ng isang tao sa panahon ng krisis. Ang mga dumarating na kabigatan sa buhay ay siya mismong daluyan ng paglago at mabungang buhay ng isang tao. At ito ay mapapatunayan natin sa mga napagdaanan na nating pagsubok.
Mayroon nagsabi na noong si Joseph ay nasa bilangguan, “Ang bakal ay dumaloy sa kanyang kaluluwa.” Ang mabibigat na problema ang nagpapatibay sa kaluluwa. Ang taong labis na nabibigatan sa simpleng problema ay tiyak na lubhang mahihirapan at baka hindi kayanin ang mas mabibigat na pagsubok. Kailangan ay ang “bakal sa buhay” upang tumibay ang ating katauhan.
Ang bakal sa puso ay ang matibay na pagtitiwala na ang pagdurusa ay saklaw at pinahihintulutan ng Dios para sa ating ikabubuti. Ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan ay hindi ginto na palamuti sa buhay kundi yaong bakal na nagbibigay ng sapat na tibay upang huwag maging makilos sa oras ng kaguluhan.
Ginamit ng Diyos ang madilim na kulungan ni Joseph na maging daan tungo sa kanyang trono sa Ehipto. Hindi siya magiging instrumento ng pagliligtas sa malaking sambahayan ni Jacob kung hindi niya tiniis ang sariling paghihirap sa Ehipto. Ang buhay ay titibay at yayabong ayon sa pagsubok na ating napagtitiisan sa tulong ng biyaya ng Dios. Sa anino ng buhay, ang ating mga pangarap at ambisyon ay magaganap.
Kaya nga, huwag tayong magreklamo sa madidilim na bahagi ng ating buhay sapagkat katotohanan na ito ay mas mabuti kaysa sa ating mga pangarap. Kung hindi naging bilanggo ng Ehipto si Joseph, hindi siya magiging gobernador ng bayang ito. Ang tanikalang bakal na gumapos sa mga paa ni Joseph ay siya mismong nagdala ng gintong kuwintas sa kanyang leeg.
Mula sa Streams in The Desert ni L.B. Cowman