“Sabihin Mo Sa Aking Mga Kapatid”

0

   

                      “Magmahalan kayo sa isa’t-isa bilang magkakapatid kay Kristo.”

Inulit ni Hesus ang tagubilin ng mga anghel sa mga babaeng nagpunta sa libingan ng Panginoong Hesus: “ …magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo’y makikita nila ako.” (Mateo 28:10). Hindi pinahalagahan ng bayan ng Jerusalem si Hesus kaya’t hindi Niya nais na tagpuin doon ang mga apostol.

Kapansin-pansin ang pagtawag ni Hesus sa mga disipulo na, “Aking mga kapatid”. Hindi lamang yaong mga malapit sa Kanya kundi lahat ng mananampalataya. “Sapagkat sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at ina.” (Mateo 12:50). “…pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.”(Juan 20:17). Sa pagkabuhay na magmuli, Siya ay itinanghal na Anak ng Dios na puspos ng  kapangyarihan, at lahat ng mga mananampalataya ay ipinahayag na Kanyang mga kapatid. Bilang naunang binuhay mula sa mga patay, tayo rin naman ay makakaranas ng pagkabuhay na magmuli.

Sa Kanyang pagpasok sa malualhating kalagayan, tinawag Niyang “Aking mga kapatid” ang Kanyang mga disipulo. Ito ay upang masunod ang Kasulatan na nagsasabi, “Ibabalita ko ang Iyong pangalan sa aking mga kapatid. Sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.” (Heb 2:12). Itinatwa at iniwan si Hesus ng Kanyang mga apostol at disipulo nang panahong Siya ay inaalipusta at pinapahirapan ng mga Judio. Upang ipakita na Siya ay mapagpatawad, at upang turuan sila na maging mapagpatawad din, hindi lamang nais Niya silang katagpuin. Tinawag pa Niya silang “Aking mga kapatid”.

Napakalaking karangalan na tawagin ang lahat na mananampalataya na “Aking mga kapatid”. Ngunit kasama nito ay ang responsibilidad ng mga Kristiano na magmahalan bilang magkakapatid kay Kristo.  Subalit ang mas malalim na implikasyon nito ay ang hindi mauunawaang pagpapakababa ng ating Panginoong Hesus.

Sa ating buhay, si Hesus ay papurihan!

 

Mula sa Matthew Henry Commentary. eSword.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top