Si Joseph: Ang Dakilang Ama
0Tatlong beses na nagpakita kay Joseph ang anghel ng Panginoon. Sa unang pagpapakita, sinabi sa kanya ng anghel ang hindi kapani-paniwalang pangyayari: Si Maria ay nagdadalangtao bagamat tapat sa kanya. Sa ikalawang pagkakataon, binalaan siya ng anghel na tumakas sila sa Ehipto dahil papatayin ni Herod ang lahat ng mga sanggol sa Israel. Panghuli, sinabi ng anghel na maaari na silang bumalik sa Israel dahil namatay na si Herod.Sa lahat ng ito, si Joseph ay sumunod.
Sa Biblia, kaunti lamang ang naisulat tungkol kay Joseph. Ngunit malinaw na naipahayag ang kanyang hindi matitinag na pananampalataya at pagsunod. Maaring hindi sundin ni Joseph ang anghel. Mas madali na gawin ang sa tingin niya ay tama. Madaling isipin na hindi naging tapat si Maria. Kailan na nangyari na ang isang babae ay nagdalangtao na walang relasyon sa isang lalaki? Subalit sinunod niya ang utos ng Diyos mula sa bibig ng anghel at nagbukas ito ng kagulat-gulat na paggawa ng Diyos sa kanyang buhay.
Ang pagsunod ni Joseph sa utos ng Dios ay nagdulot ng maraming pag-iisip at agam-agam. Hindi niya maiisip ang implikasyon ng kanyang desisyon, na siya pala ay magiging instrumento sa pinadakilang milagro na mangyayari sa mundo.
Lumipas na ang daan-daang taon, ngunit ipinagdiriwang pa rin natin ang buhay ni Joseph sapagkat nakita natin sa kanya ang katangian ng isang mabuting ama. Malalim ang kanyang pananampalataya dahil nakita niya ang kabutihan ng pagsunod kaysa sa nakikita sa kasalukuyan. Siya ay mapagmahal na ama at iningatan niyang mabuti ang pamilya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya mula sa kamay ng makapangyarihang kaaway.
Maraming kaaway ang nais sumira sa isang pamilya,lalo pa sa isang Kristianong pamilya. Ngunit kung ang bawat ama ay susunod sa bawat ipinag-uutos ng Dios, magiging instrumento rin sila ng maliit na milagro na yayabong at magbubunga sa takdang panahon.
Isinalin sa Filipino mula kay Ann Spangler & Robert Wolgemuth. 2002. Men of the Bible. OMF Literature Inc.