Ang Tunay Na Kagalakan
0Ang tunay na kagalakan ng kaluluwa ay wala sa lupa kundi nasa bagay na makalangit. Nasa atin man ang lahat ng kaginhawahan at kasaganaan sa mundo, hindi pa rin natin mararanasan ang lubos na kagalakan. Ang ating kaluluwa ay ginawa upang sumamba at magbigay lualhati sa Dios. Narito ang tunay at lubos na kagalakan.
Subalit dahil sa epekto ng kasalanan, ibinaling ng tao ang kanyang kaaliwan sa mga bagay na nilikha at hindi sa Lumikha. Ang kalimitang hinahangad ng tao ay mga materyal na bagay. Makabili ng lupa at bahay, magkaroon ng kotse, makarating sa iba’t-ibang lugar, makakain ng masasarap na pagkain, atbp. Subalit pagkatapos magkaroon ng mga ito, hindi pa rin ganap ang kanyang katuwaan at naghahanap na naman ang tao ng mas mataas na uri ng kasiyahan. Hindi natatapos ang paghahangad ng tao dahil hindi nalulubos ang kanyang kasiyahan. Ngunit nagpapatuloy siya sa paghahanap ng kasiyahan sa lugar na wala naman doon.
Ang tao ay nilikha ng Dios para sa mas dakilang bagay, higit sa mga bagay dito sa mundo. Ngunit mas pinipili ng tao ang mababaw na kagalakan sa lupa at hindi ang mas dakila at ganap na kagalakan na iniaalok ng walang bayad ni Kristo-Hesus. Kahangalan na tanggihan ang alok ni Kristo dahil ang mga bagay sa lupa ay mababaw, panandalian at nagsasara ng pinto patungo sa buhay na walang-hanggan.
Mabuti ang materyal na bagay. Ito ay biyaya mula sa Dios at nagbibigay ng komportableng buhay sa lupa. Ngunit dapat itong tingnan na instrumento ng paglilingkod at pagbibigay ng lualhati sa Dios, hindi sentro ng ating atensyon at pagmamahal. Lagi nating tandaan na ginawa ang tao hindi para sa mga bagay na nasa lupa. Lahat ng ating pagpapala at katuwaan ay nasa Dios lamang… Siya na lumikha ng lahat ng bagay.
Kung si Kristo ay nasa ating puso, ang Dakilang Mang-aaliw ay sasaatin. Salat man tayo sa materyal na bagay, ngunit ang kagalakan na walang katapusan ay sasaatin.
Hango sa Aklat ni Thomas ‘A Kempis. 2013. The Imitation of Christ, Abridged and Updated. Barbour Publishing Inc.