Tamang Kaisipan Tungkol sa Dios
0
Ang pinakamalalim na kaisipan na maaring maisip ng tao ay ang tungkol sa Dios. Ang salitang “Dios” ang pinakamabigat na salita sa anumang lenguahe. Napakahalaga na ang ating pag-iisip tungkol sa Dios ay umaayon sa pagkadios ng Dios. Ito ay batayan hindi lamang ng sistematikong teolohiya, kundi ng pamumuhay ng isang Kristiano. Ang maling doktrina ay bunga lamang ng maling kaisipan tungkol sa Dios.
Nakalulungkot at nakababahala na ang konsepto ng mga Kristiano patungkol sa Dios sa panahong ito ay sobra nang bumabaw at isang kalamidad sa ating moralidad.
Subalit ang taong may tamang paniniwala tungkol sa Dios ay lumaya sa libo-libong problema sa mundo. Malutas man ang lahat ng problema, sa mundo, ito ay magbibigay ng pansamantalang kaaliwan lamang. Ngunit may isang malaking obligasyong pang-walang hanggan, na kung hindi magawa ay wawasak sa atin. Ito ay ang mahalin ang Dios ng ating buong lakas, isip at kaluluwa, at sundin at sambahin Siya ng buong puso. Napakabigat na pag-uusig ng konsiensya ang ating mararanasan kung hindi natin ito magawa.
Tatanggalin ng Ebanghelyo ang kabigatang ito. Subalit dapat na maramdaman muna ng tao ang kabigatang dulot ng hindi pagmamahal sa Dios at makita niya ang kataasan at kalualhatian ng Dios. Ang mababang pagtingin sa Dios ay magbale-wala sa kapangyarihan ng Ebanghelyo na makapagligtas.
Maliban na itama natin ang ating kaisipan tungkol sa Dios, mananatili tayong nasa mapanganib na kalagayan. Obligasyon ng Iglesia na itama at itaas ang konsepto tungkol sa Dios. Sa lahat ng ating panalangin at paglilingkod ito ay dapat nangunguna. Malaki ang ating magagawa sa susunod na henerasyon kung maipasa sa kanila ang tama at dalisay na kaisipan tungkol sa Dios. Ito ay mas may halaga kaysa sa maibibigay ng Sining o Siyensia.
Isinalin sa Filipino, mula sa aklat na The Knowledge of the Holy. A.W Tozer. 1989. OM Publishing. UK. Pp 11-15